133

Nov 22, 2021 @ 16:56
By

Nagpanggap na si Leni: OVP nadali ng fake booking

Nakatanggap ang Office of the Vice President ng isang fake booking mula sa isang customer na nagpanggap bilang si Vice President Leni Robredo nitong Lunes.

Ayon sa Tweet ni OVP spokesperson Barry Gutierrez, nakatanggap ang opisina ng mga order na nagkakahalagang higit P100 libo sa MetroMart.

“May nagpanggap na si VP Leni at nag multiple orders ng abot P100K+ sa Metromart. Pinadeliver sa OVP na COD,” ani Gutierrez.

Sinabi pa nito na inaksaya lang ng taong nangloko ang oras ng mga delivery rider

“Hindi na inisip ang mga delivery rider na hinassle at inaksaya ang oras,” saad nito.

Hindi naman maiwasan mapatanong ni Gutierrez kung ganito ba katakot ang mga ito kay VP Leni.

“Ganito na ba talaga sila katakot sa atin? Dedma sa ganitong kacheapan. Laban lang! #LabanLeni2022,” dagdag nito.

Makikita sa kalakip na larawan sa Tweet ni Gutierrez ang transaksyon ng delivery na naka-address sa tanggapan ng VP na nagkakahalagang P16,040.

Ipinabalik sa MetroMart ang mga delivery at ipina-cancel ang mga pekeng order.

Ipina-iimbestigahan naman ni Gutierrez kung sino ang gumawa ng pekeng booking.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?