57

Aug 11, 2020 @ 21:01
By

Nagpagala-gala sa Makati: Nurse na COVID positive, pinalayas sa boarding house

Isang nurse na tinamaan ng COVID-19 ang biglaang pinalayas ng kanyang landlord sa inuupahang boarding house matapos ipaalam dito na siya’y nagpositibo sa virus.

Ayon sa kinilalang si ‘Gem’, isang customer care representative sa isang medical insurance company, pinaalis siya ng kanyang landlady kung saan hindi man lang nabigyan ng palugit para makahanap ng malilipatan.

Bandang alas-9 ng gabi umalis si Gem sa naturang boarding house, at nang tawagan ang kanyang pamilya sa Batangas ay hindi na rin aniya siya masusundo dahil late na, at kailangan din na magpakita muna ng negatibong COVID-19 test bago makapasok sa naturang lalawigan.

Kaya naman nagpagala-gala sa Makati si Gem hanggang makarating ng Pasay, aniya’y pumunta siya ng health center ng Barangay Olympia sa Makati para magpatulong ngunit wala ring napala dito.

“Nung pumunta po ako, ang sabi sa ‘kin, sarado raw ang barangay health center… Ang sabi po sa ‘kin, ‘Sinasabi ko sa’yo, di ka matutulungan dito.’ May binigay sa ‘kin na contact number. Landline po, kaya di ko po ma-contact,” kwento ni Gem.

Buti na lang at sinaklolohan siya ng Philippine Red Cross (PRC) sa pamamagitan ng kanyang kaibigan, kung saan nadatnan siya sa bangketa ng JP Rizal street sa Makati.

Ayon kay PRC chairman at senador na si Richard GOrdon, hindi dapat i-discriminate ang kahit sinong may COVID-19.

“Kaya may isolation ward tayong ginagawa. Di naman natin pwede ikalat ang mga tulad ni Gem sa kalye. Yung mga landlady, hindi sila dapat magpaalis ng tao,” saad ni Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?