123

Dec 9, 2017 @ 17:42
By

Nagliyab na baterya ng cellphone, nagdulot ng takot sa mall

Nagdulot ng takot at panic sa mga namamasyal sa isang mall ang lumang battery ng cellphone matapos na umusok at magliyab nang ihagis ng isang lalaki, nitong Biyernes ng gabi sa Cubao, Quezon City.

Sa inisyal na report sa Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7, dakong alas-sais ng gabi ay nagtungo umano si Moverb Bautista sa mall (humiling na ‘wag nang pangalanan) sa Cubao para ipagawa o papalitan sana ang depektibong baterya ng kanyang lumang cellphone subalit dahil sa old style na iyon ay wala nang gustong gumawa at wala na rin siyang mabiling bagong baterya nito.

Lulugo-lugong umalis sa bilihan ng mga gadgets ng cellphone si Bautista at ibinulsa na lamang ang kanyang lumang CP, subalit ilang minuto lamang ang nakalilipas ay nakaramdam umano siya na tila nag-iinit ang kanyang hita.

Dahil sa hindi na matagalan ang nararamdamang init sa hita ay kinuha ni Bautista ang ibinulsang cellphone subalit biglang kumislap ang halos lumolobo nang baterya nito at dahil napaso siya ay bigla niyang naihagis ito sa konkretong semento ng mall.

Napansin ng mga namamasyal sa mall ang biglang umusok at nagliyab na inihagis ni Bautista at sa pag-aakalang isang pampasabog iyon ay nagkatulakan at nagkanya-kanyang pulasan ang mga ito sa pagtakbo.

Isang nakilalang Rowena Aquino na namili sa mall ng kanyang mga pang-regalo ang tumalon mula sa grills ng kinakainang restaurant na umano’y may taas na apat hanggang limang talampakan nang mapansin din ang mga taong nagtatakbuhan na pawang takot na takot.

Dahil sa tensiyon at taas nang tinalon ni Aquino, nagtamo siya ng pasa at nanakit ang kanyang balakang dahil sa sama ng kanyang pagkabagsak.

Hindi na nagreklamo si Aquino sa nangyari at ipinagkibit-balikat na lamang nang malaman na nag-spark lang pala ang lumang baterya ng cellphone ni Bautista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?