By

Naghain ng kaso laban sa drug war, walang kapasidad – OSG

Sharing is caring!

Walang ligal na personalidad o kapasidad ang mga petitioner na humihiling ng writ of amparo sa Korte Suprema kasunod ng pagkamatay ng mahigit 30 mga residente sa San Andres Bukid, Maynila dahil sa kampanya laban sa iligal na droga.

Sa kumentong inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema, iginiit nito na sa ilalim ng Rules of Court, ang mga may kapasidad na magsulong ng kaso sa korte ay ang mga indibidwal na direktang dumanas ng pinsala o daranas ng pinsala sa kinukuwestiyong hakbang, pangyayari o insidente.

Kinakailangan umano na ang partidong magsusulong ng kaso ay may personal na interes at hindi lamang nakabatay sa pagnanais na maprotektahan ang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon ng ibang tao o ng third party.

Tinukoy pa ng OSG na may panuntunang inilatag ang Korte Suprema para sa mga nais na maghain ng petition for the writ of amparo.

Salig sa panuntunan, ang pinapayagan lamang ay ang sinumang myembro ng immediate family ng agrabyadong indibidwal at kabilang dito ang asawa, anak o mga magulang.

Kung walang immediate family na maghahain ng kaso, maaring kaanak na ang relasyon ay hanggang “fourth degree of consanguinity” sa agrabyadong indibidwal..

Kung wala ring kaanak na tatayo, sinumang nakikisimpatiyang indibidwal, organisasyon o institusyon ay maaring magsulong ng kaso.

Pero sa kaso umano ng grupo ni Sister Ma. Juanita Daño, ang petisyon ay inihain sa kanilang kapasidad bilang mga “concerned citizen” kahit hindi pa malinaw kung talagang wala na ngang myembro ng pamilya o kaanak ang mga nasawi sa kampanya laban sa iligal droga na maaring magsulong ng kaso.

“By their own admission in the petition, the petitioners are disqualified from instituting this amparo proceeding because a concerned citizen, organization, association, or institution may file the petition only if there is no known member of the immediate family or relative of the aggrieved party. The inability or unwillingness of said relatives, as alleged in the petition, does not authorize concerned citizens and other citizens and other entities to file a petition in their stead,” ang bahagi ng kumento ng OSG.

Isa ang isyung ito ng legal standing sa mga batayang tinukoy ng OSG kung bakit dapat na mabasura ang dalawang petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa ikinasang drug war ng administrasyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?