69

Sep 11, 2021 @ 16:25
By

Naghahanap ng butas: Duterte malalim away kay Dick

Umiinit ang iringan at palitan ng maaanghang na salita sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Dick Gordon na nag-ugat sa imbestigasyon ng Senado sa hindi nagamit na pondo ng Department of Health (DOH) para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na malalim ang away nila ni Senador Gordon dahil sa pilit na paghahanap umano ng butas ng senador para maiugnay sa Presidente ang multi-bilyong pisong kontrata sa pagbili ng medical supplies ng gobyerno sa isang Chinese firm.

Nagtataka ang Pangulo kung ano ang hinahanap ni Gordon sa patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa preliminary audit report ng Commission on Audit (COA) sa 67 bilyong pisong hindi nagamit na pondo ng DOH.

“Itong si Gordon malalim ang away namin and I have — talagang mag-aaway kami nitong buang na ito. Ewan ko kung anong hinahanap nitong… why go into the… sabagay we will not want to control them but we would like also to just criticize them. Alam mo wala kayong makukuha diyan. You want a fishing expedition,” anang Pangulo.

Puro pang-iistorbo lamang aniya ang ginagawa ng Senado sa kanilang imbestigasyon kaya hindi makapagtrabaho nang maayos ang mga ipinapatawag na opisyal sa ehekutibo.

“Do not listen to Congress, they are all bullshits! Wala, pang-ano lang man ‘yan, pang-istorbo lang ‘yang yawa na ‘yan,” dagdag ng Pangulo.

Nagsalita na aniya ang COA hinggil sa kanilang initial findings subalit ayaw pa ring magpaawat si Gordon hanggang sa mapunta na ang imbestigasyon sa kumpanyang binilhan ng mga medical equipment na malinaw na naghahanap na lamang ito ng butas laban sa gobyerno.

“The senators keep looking for the technical and financial requirements of Pharmally. Wala ka namang pakialam diyan. Pharmally is really a Pharmally Corporation sa Singapore, doon ‘yung nag-provide,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?