272

By

Nagdilim ang paningin, nanay tinaga ang sanggol

Napatay ng isang nanay ang kanyang anak na sanggol matapos niyang pagtatagain sa Mataas na Kahoy, Batangas noong Martes ng hapon.

Sa pahayag sa pulis, ayon sa nanay ng bata na si Aiza Lorcha, 29 anyos, dumaranas daw umano ito ng matinding postpartum depression kaya niya napatay ang sanggol na isang taong gulang pa lamang.

Nagdilim umano ang kanyang paningin nang hindi mapatigil sa pag-iyak ang sanggol.

Nalaman na lamang niya umanong napagtataga niya ang bata gamit ang isang itak.

Nagtamo ang sanggol ng tatlong tama ng taga at dineklarang dead on arrival sa Metro San Jose Medical Center.

Ayon sa report ng Mataas na Kahoy police, nangyari ang insidente sa loob ng tinutuluyang apartment ng mag-anak sa Barangay 2A.

Bandang alas-tres ng hapon nang maiwan ang mag-ina sa bahay matapos sumundo ng isang bata sa eskwelahan ang bayaw nito na si Freynan Castillo na kasama nila sa tinitirahan.

Kinarga pa ni Castillo ang umiiyak na bata at saka binigay sa suspek bago ito umalis.

Nasa trabaho naman ang tatay ng biktima at live-in partner ng suspek na si Sherwin Ortecio na isang promodizer.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Mataas na Kahoy police station custodial facility at sinampahan na rin ng kasong parricide.

Desidido rin ang tatay ng biktima na ituloy ang kaso laban sa partner niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?