26

Oct 23, 2021 @ 22:04
By

Nagbebenta ng passport slots tutugisin ng PNP

Pinakikilos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang Anti-Cybercrime Group upang imbestigahan ang naiulat na mga nagbebenta ng passport appointment slots na libre lamang sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Nakatanggap ng ulat ang DFA na may mga Facebook pages na nagbebenta ng slots upang mapabilis ang pag-aasikaso ng pasaporte.

“Inatasan ko na ang ating Anti-Cybercrime Group na imbestigahan at magsagawa ng mga kaukulang operasyon upang mahuli at mapanagot ang mga taong nasa likod nito,” pahayag ni Eleazar ngayong Sabado.

“Hindi natin papayagan na pagkakitaan pa ang ating mga kababayan lalo na ang mga OFWs dahil sa hirap ng buhay ngayon na dulot ng hinaharap nating pandemya,” dugtong pa ng PNP chief.

Pinayuhan din ni Eleazar ang publiko na huwag patulan ang mga mag-aalok sa kanila nito.

Nakipag-ugnayan na rin ang DFA sa Facebook na tanggalin ang mga groups na nag-oorganisa ng passport slot for sale.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?