33

Jun 25, 2020 @ 14:14
By

Nag-hitch sa trailer truck naipit, patay

Patay ang isang hindi nakikilalang lalaki matapos na mag-hitch sa isang trailer truck at naipit sa pagitan ng tractor head at trailer na nakakabit, kagabi sa Honorio Lopez Blvd. Corner Balut, Tondo,Maynila.

Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit-Vehicle Traffic Investigation Section, inilarawan ang biktima na nakasuot ng kulay itim na pantalon, kulay blue green na t-shirt at naka-tsinelas.

Naganap umano ang insidente dakong 10:30 ng gabi sa nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ni PSSG Gerald Gonzales ng MDTEU-VTIS, sinabi ni Jonas Delina ,driver ng trailer truck, binabaybay niya ang kahabaan ng H Lopez blvd. Balut,Tondo nang pagsapit sa Rodriguez St., nakita niya ang biktima na nagpupumilit na mag-hitch sa trailer

Nag U-turn umano siya sa may Shell gasoline station sa may H Lopez at ipinarada ang minamanehong trailer truck sa kalsada sa harap ng kanilang opisina.

Ilang minuto pa ay bumalik siya sa sasakyan kung saan napansin niya ang isang lalaki na naipit sa pagitan ng tractor head at bahagi ng trailer at wala nang buhay.

Posible umano na nahulog at naipit ang biktima matapos nitong umakyat sa trailer nang mag-hitch.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?