112

Oct 17, 2017 @ 13:02

Nag-aaksaya ng oras si Duterte sa destab isue – Kiko, Bam

Hinikayat ng oppositions senators si Pangulong Rodrigo Duterte na pagtuunan ng pansin ang rehabilitasyon sa Marawi City sa halip na mag-aksaya ng panahon sa posibilidad ng pagdedeklara ng revolutionary government.

Ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagbangon ng Marawi City sa halip na pag-usapan ang walang basehang destabilization reports.

“Nasasayang lang ang panahon ng gobyerno dahil sa pagtuon ng pansin sa destabilisasyon na bunga ng fake news. Mas maganda siguro kung ibubuhos nito ang panahon sa mga bagay na makatutulong sa bansa sa halip na makagulo rito. Dapat dagdag na kita at trabaho para sa taumbayan at hindi dagdag na kapangyarihan para sa pangulo,” saad ni Pangilinan.

Umaasa naman si Senador Bam Aquino na matapos ang matagumpay na operasyon ng tropa ng pamahalaan laban kina Omar Maute at Isnilon Hapilon ay aalisin na ng pamahalaan ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

“With this victory, we hope that the firefighting will soon end so the government can immediately lift Martial Law and finally focus on rebuilding and developing Marawi City,” pahayag ni Aquino.

Una nang kinuwestyon ng opposition senators ang pahayag ng gobyerno na posibleng magdeklara ng revolutionary government bilang tugon sa  destabilisasyon.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?