134

Jan 1, 2018 @ 11:09
By

Nadale ng paputok matumal ang dating sa PGH, OsMa

Naging matumal ang pagdating ng mga pasyenteng nadale ng paputok sa Ospital ng Maynila at Philippine General Hospital sa nakalipas na magdamag.

Sa Ospital ng Maynila, walong pasyente lamang ang isinugod kagabi at kaninang madaling araw.

Dalawa sa mga biktima na pawang lalaki at nasa edad trese at onse anyos ay isinugod kagabi matapos na madale ng Piccolo at Five Star.

Kanina namang madaling araw, dinala sa Ospital ng Maynila ang anim na iba pang mga biktima na nasa edad onse anyos hanggang 52 taong gulang at kinabibilangan ng apat na lalaki at dalawang babae.

Whistlebomb, piccolo, lusis at dalawang uri ng fireworks ang dahilan ng kanilang pagkasugat.

Ayon kay Dr. Patrick Jovan Gagno, ang senior house officer ng Ospital ng Maynila, hindi nila nagamit ang mga inihanda nilang surgery tools na tunog pang-construction gaya ng mallet, bone cutter, bone saw, bone holder, lowman forceps, wire cutter at hand drill.

Pawang mga minor case lamang kasi ang naisugod sa kanilang pagamutan at lahat ng mga pasyenteng nadale ng paputok ay pinauwi na sa kani-kanilang mga bahay.

Sa kabuuan, mula December 22, 2017 ay nakapagtala lamang ang Ospital ng Maynila ng 13 kaso ng fireworks related injuries.

Sa Philippine General Hospital naman, isa lamang ang isinugod mula kagabi hanggang kaninang madaling araw.

Alas dose ng hatinggabi nang dalhin duon ang isang 27-taong gulang na lalaki matapos na madale ng paputok na Kabasi na kabilang sa mga iligal na paputok na triangulo ang hugis.

Sa kabuuan, mula December 21, 2017 ay nasa apat na kaso lamang ang naitala sa PGH. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?