38

Aug 6, 2021 @ 11:28
By

Nabawasan ang traffic sa unang araw ng ECQ – Palasyo

Malaki ang ibinawas ng bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa unang araw ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ang obserbasyon ng Malacañang kasunod ng mga inilatag na checkpoints ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batid na ng publiko kung bakit nagpatupad ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID Delta variant.

“Mukhang nakikita ng ating mga kababayan ang importansiya ng ECQ para pigilan ang paglaganap ng COVID-19. Malaki po ang ibinawas ng sasakyan sa kalye,” ani Roque.

Patuloy aniya na susubaybay ang Palasyo sa mga kaganapan sa Metro Manila sa panahon ng lockdown para matukoy kung epektibo ang ipinatupad na paghihigpit ng gobyerno sa ikatlong pagkakataon habang patuloy na umaatake ang COVID pandemic sa bansa.

Muling ipinaalala ni Roque sa publiko ang mga panuntunansa panahon ng ECQ, partikular sa mga otorisado lamang na lumabas sa panahon ng lockdown.

“Dito po sa ECQ ang pupuwede lang lumabas yung mga APOR at para bumili ng mga kinakailangan. Yung pagbili sa grocery hindi dapat pupunta sa ibang bayan dahil pupuwede naman po sa lugar na malapit sa kanila,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?