178

Dec 14, 2017 @ 16:49
By

Naastigan sa porma, binata dinedbol sa rambol

Isang malalim na saksak sa tiyan ang ikinamatay ng 21-anyos na binata nang makipagrambulan ang kanyang mga kaibigan sa isang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Limuel Cada Relox, binata, walang trabaho at naninirahan sa No. 21 West San Jose St., California Village, ng nasabing barangay.

Si Relox ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Novaliches District Hospital sanhi ng tinamong malalim na saksak sa tiyan.

Agad namang nakatakas ang apat na lalaking naka-rambulan ng grupo ng biktima, at isa dito ay nakilala lamang sa pangalang Allan Bora.

Sa inisyal na report ni PO3 George Caculba, ng CIDU-QCPD, ang rambulan ay naganap dakong alas-7:30 nitong Miyerkules ng gabi sa harap ng California Resort na matatagpuan sa Kalayaan Ave., Brgy. San Bartolome, Novaliches.

Naglalakad umano ang biktima kasama ang mga kaibigang sina Sonny Val Tolentino, Mark Jason Gomez, Michael Dave Dela Cruz, Rolly Colcol, Lenard Relox at Rodel Oria, nang mapadaan sa grupo ni Borra na noon ay nag-iinuman.

Dahil sa tila napormahan ang mga suspek sa biktima ay isa dito ang lumapit at tila nang-uyam dahilan upang magkarambulan.

Nang duguang bumagsak si Relox ay mabilis na nagkanya-kanya nang takbuhan ang mga suspek.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad upang madakip ang mga kalalakihan na naka-rambulan ng grupo ng biktima. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?