141

Feb 24, 2020 @ 18:52
By

Naaagnas na bangkay natagpuan sa Isabela

Dahil sa masangsang na amoy, natagpuang patay ang isang Filipino-Chinese na estudyante sa isang palayan sa Barangay Isidro Paredes, Paredes, Santiago City, Isabela noong Sabado ng umaga.

Kinilala ng Santiago City Police Station (SCPS) ang biktima na si Abbygail Tan, 20, estudyante ng Rosario National High School (RNHS) sa nasabing siyudad.

Ayon sa SCPS, natagpuan ang katawan ni Tan na nasa state of decomposition o naaagnas na ang bangkay at nakilala lang mismo ng kanyang mga kaanak.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa Crime of the Scene Operatives (SOCO) ng SCPS, head injury o matinding pinsala sa ulo ang dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.

Magtatanghali noong February 17 nang magpaalam sa kanyang guro si Tan para umuwi sa kanilang bahay sa Barangay Manili, Santiago City.

Pero kinabukasan ay tanging ang motorsiklo na lang nito ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Four Lanes, Barangay Malvar, Santiago City.

Napag-alaman na suot pa ng biktima ang kanyang uniporme nang matagpuan siyang patay.

Pinaniniwalaan ng pulisya na ginahasa ang biktima bago pinatay.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow-up investigation at SCPS sa tulong ng Diffun Police Station para alamin ang tunay na pangyayari sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?