119

Apr 13, 2019 @ 15:11
By

Myanmar national nagnakaw ng kita ng opisina, winaldas sa KTV bar

Kulungan ang bagsak ng isang Myanmar national matapos waldasin ang kita ng pinagtatrabahuhang call center company na nagkakahalaga ng P1,875,000 sa isang KTV bar sa Mandaluyong City.

Batay sa nakalap na report sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Zaw Htet Aung, 20, Myanmar national, customer service provider at residente ng Global Link Company, Bldg. Shaw Blvd., Barangay Wack-Wack.

Inaresto si Aung matapos ireklamo ni Philip Chua Jr., interpreter, nang mabuking ang pagwawaldas ng pera ng suspek.

Ayon kay PCol. Moises Villacera, hepe ng Mandaluyong Police, inaresto ang suspek alas-singko ng hapon nitong Biyernes habang papasok sa trabaho sa Global Link Company.

Nabatid na pinagkakatiwalaang customer service provider si Aung kung saan siya ang nakatoka sa pangongolekta ng pera mula sa mga kapartner sa Asian Nation sa pamamagitan ng online gaming na negosyo.

Hindi umano inakala ng pamunuan ng Global Link Co., na aabusuhin ni Aung ang tiwalang ibinigay sa kanya ng kumpanya.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Mandaluyong detention cell habang hinihintay ang pagdinig sa kakaharapin niyang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?