81

Oct 20, 2017 @ 18:06

Murderer, timbog sa bus terminal

Iniulat kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Oscar Albayalde, ang kanilang pagkakadakip sa isang suspek na may dalawang kaso ng murder.

Kinilala ni Police Chief Supt. Eleazar ang suspek na si Arlen Jumawan, alyas Toto Jumawan, 38-anyos, painter, at residente ng No. 52 Montreal St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.

Naaresto si Jumawan dakong alas-kuwatro ng hapon nitong nakaraang Oktubre 16 sa loob ng Baliwag Bus Terminal sa EDSA cor. New York St., E. Rodriguez.

Sa ulat, nagresponde ang mga tauhan ng Cubao Police Station (PS-7) na pinamunuan ni P/Supt. Louise Benjie Tremor dahil sa kaguluhan sa loob ng terminal at doon ay naabutan pa ng mga awtoridad ang suspek at isang nakilalang Babylyn Poblete sa isang pag-aaway.

Nang makita ni Poblete ang mga paparating na pulis ay agad niyang itinuro si Jumawan na siyang pumatay umano sa kanyang mister na si Joven Poblete, na naganap noong Setyembre 27, 2017 sa Sitio San Roque 2, Brgy. Bagong Pag-asa.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Police Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na si Jumawan, kasama ang 15-anyos na binatilyo ay responsable rin umano sa pagbaril at pagpatay sa isang nakilalang Rodel Palaña noong Setyembre 24, 2017, sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa.

Sa imbestigasyon, binaril ni Jumawan si Palaña matapos na pagsuspetsahang ito ang nagsusumbong sa mga awtoridad hinggil sa pagtutulak nila ng iligal na droga sa kanilang lugar.

Nasamsam ng mga awtoridad kay Jumawan ang 11 ammunition na nakasilid sa coin pouch. Inihahanda na ang dalawang kasong murder at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Law) laban sa nasabing suspek. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?