47

Oct 23, 2017 @ 16:03

Murder vs 12 pulis sa Kian case, ibasura

Humarap sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) ang 12 na pulis na pinangalanan ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang karagdagang mga respondent sa kaso ni Kian Delos Santos, ang 17 taong gulang na binatilyo na napatay sa anti-illegal drugs operation sa Caloocan Police noong gabi ng Agosto 16, 2017.

Ayon sa PAO, ang mga karagdagang respondent ay kasama umano sa nagsakatuparan ng one-time big-time anti-criminality operation sa Caloocan.

Dalawang joint counter-affidavit ang inihain ng mga pulis kung saan hiniling nila na mabasura ang reklamong murder na inihain laban sa kanila.

Kasama sa mga nagsumite ng kontra salaysay ay sina Police Officers 2 Arnel Canezares, Fernan Cano at Diony Corpuz; at Police Officers 1 Silverio Garcia Jr., Rossillini Lorenzo, Christian Joy Aguilar, Myrldon Yagi at Ronald Herrera.

Sama-sama nilang iginiit sa kanilang counter-affidavit na dapat mabasura ang reklamo laban sa kanila dahil wala naman silang naging partisipasyon sa ikinasang “Oplan Galugad” noong Agosto 16 dahil ang ilan sa kanila ay naka-sick leave, may naiwan lamang sa presinto, o hindi kaya ay nakatalaga sa barangay outpost o barangay hall.

“The fact that they did not participate and they were not in the crime scene establishes without a doubt their non-commission of the crime,” giit ng walong pulis sa kanilang counter-affidavit.

Tinukoy naman nina Police Officers 1 Reynaldo Dan Blanco Jr., Erwin Romeroso, Ceferino Paculan at Ferdinand Claro na hindi tamang sila ay idawit sa kaso dahil wala naman sila sa crime scene o lugar na pinangyarihan ng pagpatay kay Kian, at hindi rin sila nakipagsabwatan para isakatuparan ang krimen.

“[They] are erroneously being charged in this case, just because they happened to be members of PCP7 (Police Community Precinct) Caloocan City that got involved in the conduct of “One Time Big Time” or “Oplan Galugad” on August 16, 2017 that lead to the death of Kian Loyd Delos Santos,” ang nakasaad naman sa kontra-salaysay ng apat na pulis.  (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?