77

By

Murang bigas ‘di kulang, ayaw lang naming ibuhos – NFA

Sadyang pinipigil ng National Food Authority ang pagpapadala ng murang bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Ayon kay NFA-NCR Dir. Carlito Go hindi muling nagkukulang ang stock ng NFA rice kundi mas prayoridad nila ang mga Institutionalize Bigasan sa Palengke, kung saan ang tanging ipinagbibiling bigas ay NFA rice.

Katuwiran pa ni Go hihintayin lang ang pagdating ng mga imported rice at muling babaha ng murang bigas maging sa mga tindahan ng commercial rice.

Hindi rin naman aniya muling tumataas ang presyo ng bigas dahil sa ipinatutupad ng suggested retail price (SRP) kayat may mga iba na rin bigas na mababa ang presyo.

Una nang napaulat na maraming konsyumer ang nagrereklamo dahil wala na naman mabili na NFA rice sa mga pamilihan at kapag may dumadating ay agad din nauubos.

Samantala, ibinahagi din ni NFA officer-in-charge Tomas Escarez na may iba din silang diskarte ngayon.

Aniya hindi nila pinupuno ang kanilang mga bodega para maiwasan ang pagkasira lang ng mga butil dahil sa matagal na pagkakaimbak.

Ngayon linggo, inaasahan na ang pagdating ng libo-libong tonelada ng bigas na binili ng NFA mula sa Vietnam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?