196

Dec 28, 2017 @ 13:23
By

Multa sa may-ari ng unsafe workplaces isinusulong sa Senado

Umusad na sa Senado ang panukala ukol sa pagpapataw ng malaking multa sa mga negosyante kapag hindi siguradong ligtas ang kanilang lugar para sa mga manggagawa.

Ito ay ang Senate Bill No. 1317 ni Senador Joel Villanueva kung saan layong amyendahan ang umiiral na Labor Code. Nakasalang ito sa ikalawang pagbasa ng Senado.

Ayon kay Villanueva, sa batas ngayon, walang multa para sa mga lumalabag sa occupational safety and health (OSH) standards.

Nag-iisyu lamang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Work Stoppage Order (WSO) kapag may nakitang panganib o kapag nasaktan, nasugatan o nasawi ang manggagawa sa lugar ng trabaho.

“Obviously, this practice has not been successful in inculcating culture of OSH compliance nor in addressing wanton disregard of OSH standards,” ayon kay Villanueva.

Isang halimbawa na umano ng hindi pagsunod sa safety standards ang sunog sa NCCC Mall sa Davao City kung saan 38 call center agents ang nasawi dahil walang ligtas na fire escape sa palapag na kanilang pinagtrabahuhan.

Sa kanyang panukalang batas, pagbabayarin ng P100,000 administrative penalty ang employer para sa bawat araw na hindi siguradong ligtas ang lugar ng trabaho.

Magiging P250,000 hanggang P500,000 ang babayaran kapag may manggagawang nasawi.

“By neglecting to comply with occupational safety and health standards, we run the risk of losing so many precious lives as proven by the recent fire tragedy in Davao. We hope that another similar incident in the future would soon be prevented by enacting a stricter law that ensures the safety and well-being of our workers, and promotes their right to safe workplaces,” diin ng senador.

Batay sa talaan ng Bureau of Working Conditions na nasa ilalim ng DOLE, 52 ang fatal at 54 ang non-fatal workplace accidents na naitala noong 2014.

Umakyat ito sa 125 fatal at 69 na non-fatal workplace accidents noong 2015 habang hanggang nitong Oktubre 20, naitala ng kawanihan ang 22 fatal at 18 non-fatal accidents sa lugar ng trabaho. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?