263

Aug 16, 2019 @ 13:47
By

Multa, kulong sa magbebenta ng vape sa menor de edad – Nograles

Isang panukalang batas ang inihain kamakailan sa Kamara na layuning magkaroon ng malinaw na regulasyon ang pagbebenta at paggamit ng vape sa bansa.

Kulong at multang aabot sa kalahating milyon (P500,000) ang pwedeng kaharapin mga negosyanteng magbebenta ng vape at iba pang uri ng e-cigarettes sa mga menor de edad base sa House Bill No. 2862 na inihain kamakain ni Rizal 2nd district Rep. Fidel Nograles.

Ayon kay Nograles, walang malinaw na regulasyon ang pagbebenta ng vapes at e-cigarettes hindi kagaya ng industriya ng sigarilyo at tobacco kaya maraming kabataan ang nahuhumaling sa ganitong klaseng bisyo.

“There is a cause for concern because it is still unregulated… e-cigarettes are accessible to anyone who wishes to use them, including minors,” saad ni Nograles.

Bagama’t hindi pa umano malinaw kung talagang banta sa kalusugan ang paggamit ng vape, mataas naman umano ang tsansa na mauwi ito sa tuluyang paninigarilyo ng mga kabataan kamalaunan.

“[Vape] can be a gateway to smoking among the youth,” paliwanag ni Nograles.

Sa ilalim ng HB2862, posibleng maharap sa hanggang limang taong pagkakakulong at multang posibleng umabot sa kalahating milyong piso sa sino mang mapapatunayan na nagbenta ng vape o iba pang uri ng e-cigarettes sa mga kabataang edad 17 pababa.

Layunin din ng panukala ni Nograles na dumaan muna sa quality control inspection ang mga vape products bago ito ilako sa merkado.

Nitong Miyerkoles, ipinasa na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang patawan ng karagdagang buwis ang mga e-cigarette devices at vape juices.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?