2

By

Muling imbestigasyon sa Atio case, ikinatuwa ng pamilya Castillo

Sharing is caring!

Ikinalugod ng mga magulang ni Atio Castillo ang muling pagbubukas ng Department of Justice (DOJ) ng preliminary investigation sa kaso ng pagkamatay ng kanilang anak na pinaniniwalaang biktima ng hazing ng sinalihang Aegis Juris Fraternity.

Ayon sa mag-asawang sina Horacio at Carminia Castillo, nagagalak sila sa naging desisyon ng panel of prosecutors nang sa gayon ay pormal na maging bahagi ng rekord ng kaso ang salaysay ni Marc Anthony Ventura.

Sinabi rin ng mag-asawang Castillo na nagpapasalamat sila sa desisyon ni Ventura na maglakas-loob na magsabi ng katotohanan sa sinapit ng kanilang anak noong September 17, 2017.

Ngayon din umano ang unang beses na nakita nila nang malapitan si Ventura.

Nang dahil din umano sa salaysay ni Ventura, hindi na maitatanggi na may nangyaring krimen at hazing ang dinanas ng kanilang anak sa kamay ng Aegis Juris.

“We are very grateful with the DOJ with this development. This is first time that we were able to see him (Ventura) this close. Grateful kami, nagpapasalamat kami, siya lang ang naglakas ng loob to tell the truth,” saad ni Carminia Castillo, ina ni Atio.

Sa pagdinig kanina ay kinumpirma ng panel of prosecutors sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva na natanggap na nila ang certification na nagsasabing si Ventura ay nasa ilalim na ng Witness Protection Program.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?