41

By

Mukha, kamay, paa pinuno ng tape! Kelot brutal na pinaslang

Isang bangkay ng lalaki na nakabalot ng packaging tape ang ulo, nakagapos ang kamay at paa na hinihinalang biktima ng ‘summary execution’ ang natagpuan sa isang madilim na lugar sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Batay sa report kay PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima ay nakilala lamang sa nakuhang Century Properties identification card na si Rico Buan, nasa edad 35-40, may taas na 5’1”, nakasuot ng black t-shirt at gray short na may ‘tribal’ tattoo sa kanan at kaliwang kamay.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Juvy S. Fallesgon, ng CIDU-QCPD, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong ala-1:50 ng madaling-araw (October 16) sa madilim na lugar sa Stud Farm na matatagpuan sa Carlos P. Garcia Ave., Brgy. UP Campus, QC.

Nagpapatrolya umano ang mga tanod na sina Romeo Raz, Mike Barbado at John Neil Dela Cruz sakay ng barangay patrol sa nasabing lugar nang maispatan ang bangkay ng biktima na ang buong ulo ay nakabalot ng ‘packaging tape’ na may nakasaklob pang puting t-shirt, at nakagapos ang mga kamay at paa.

Agad nilang ini-report sa pulisya ang natagpuang bangkay at ayon sa nagrespondeng SOCO team na pinamumunuan ni PLt. Col. Nellson Sta Maria, ang biktima ay may mga tama ng malalalim na saksak at pasa sa ulo at katawan.

Hinala ng pulisya ang biktima ay sinalvage sa ibang lugar at doon itinapon upang iligaw ang imbestigasyon.

Gayunman, masusi pa ring iniimbestigahan ng CIDU-QCPD ang krimen upang makilala kung sino ang brutal na pumatay sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?