104

Dec 10, 2017 @ 13:04
By

MRT tumirik na naman, 900 pasahero pinababa

Muli na namang nakaranas ng aberya ang mga commuters ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) matapos silang pababain dahil sa umano’y door failure at technical problems, kamakalawa ng gabi sa Boni Station, Mandaluyong City.

Napilitan na lamang bumaba ng tren ang mahigit 900 pasahero dahil sa pagka-hang ng pinto na kung saan ay bigla umanong bumubukas habang ang ilang pinto naman ay hindi magbubukas kaya inabisuhan na lamang ang mga pasahero na lumipat ng tren bandang alas 7:09 Sabado ng gabi.

Nabatid mula sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na posibleng ang pagsisiksikan ng mga pasahero ang naging sanhi ng pagka-antala ng biyahe ng tren dahil sa rush hour na umano ito at asahan na siksikan kaya nagkakaranas ng door failure dahil napupuwersa sa pagbukas at pagsara ng pinto.

Nauna rito, nagkaroon din ng door failure sa southbound ng North Avenue station bandang alas 4:13 ng hapon na kung saan ay pinababa ang mga pasahero.

Paliwanag ng DOTr, patuloy pa rin ang pagbibigay ng serbisyo ng MRT ngunit humihingi na rin sila ng paumanhin dahil sa pagkasira ng tren subalit asahan na magbabago na ang sistema sa susunod na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?