By

MRT operation, sinasabotahe – DOTr official

Sharing is caring!

“Hindi kakalas sa bagon ng tren kung walang mag-aalis.!”, ito ang mariing sinabi ni Department of Transportation Undersecretary Cesar Chavez makaraang magkaroon na naman ng problema sa Metro Rail Transit-3 (MRT).

Naniniwala si Chavez na may sumasabotahe para sirain ang operasyon ng MRT.

Matatandaang kumalas ang isang bagon ng tren at naiwan sa pagitan ng Ayala at Buendia station na kung saan ay naglakad pabalik ang mahigit 100 commuters bandang 9:30, Huwebes ng umaga.

Ayon pa kay Chavez, bagaman walang nasaktan sa pangyayari ay itinuloy din ang operasyon ng tren makalipas ang 30 minuto.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng DOTr at MRT upang matukoy kung ano ang sanhi ng pagkalas ng bagon at ang patuloy na pagsira ng MRT.

Samantala, ayon kay Reynaldo Año, MRT train driver, nagkaroon ng problema ng error signal sa communication mula sa base at pagsapit sa Buendia station ay nagulat siya ng sabihin na dalawa lang ang bagon ng kanyang tren.

Agad namang nagresponde ang operations team ng MRT at nakitang hindi electrical ang naging problema sa paghiwalay ng bagon ng tren kundi mechanical o human intervention.

Batay sa pagsisiyasat, nawawala umano ang messma card ng Light Rail Vehicle #68. Ang messma card ang nagsisilbing black box ng tren na nagre-record ng pangyayaring teknical sa tren.

“Walang technical at mechanical na diperensya ang tren.”, pagdidiin ni MRT-3 Safety Chief Technical Ruel Jose kaya positibo ito na may kumalas para magkahiwalay ang dalawang bagon.

Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng DOTr ang ligtas na pagbiyahe ng mga commuters ng MRT at patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa pagkaantala ng operasyon ng MRT. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?