132
arthur-tugade
By

MRT, na-gang rape ng mga tiwaling opisyal – Tugade

Tahasang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na hindi lang ‘rape’ kundi ‘na-gang rape’ pa ang sistema ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) dahil sa pang-aabuso ng nakaraang opisyal nito.

“Hindi lang ginahasa, na-gang rape pa ng nakaraang management. Masyadong dehado ang gobyerno sa ginawa ng nakaraang administrasyon,” dagdag pa ni Tugade na masyado umanong inabuso ng nakaraang administrasyon ang pagpapatakbo ng MRT kaya nagkakaroon ngayon ng aberya.

Kaya naman nagsampa na ang DOTr ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman laban kina dating DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, Mar Roxas, at iba pang DOTC officials at sa kompaniyang Busan Universal Rail Incorporated o BURI.

Ang kaso ay may kaugnayan sa tiwaling kontrata na pinasok sa BURI para sa maintenance ng MRT-3 dahil naging pabaya ang mga akusado nang ituloy nila ang paggawad dito kahit pa nakitaan na ito ng ilang iregularidad.

Dagdag pa ni Tugade, walang spare parts ang MRT kaya hindi agad nasosolusyunan ang bawat pagkasira nito mula sa dating maintenance provider na BURI.

Kabilang na sa mga problema ay ang pagkaluma ng mga riles, depektibong air-conditioned unit at maging ang signaling device na kumukontrol sa MRT ay nagkakaroon na rin ng depekto at iniwan ng Busan ang problema.

Kaya naman sa pagpasok ng bagong maintenance provider na Sumitomo, asahan na magiging maayos na ang takbo ng mga tren sakaling maresolba nila ang mga palpak na iniwan ng dating maintenance provider nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?