19
class
By

MPD: School opening sa Maynila, naging mapayapa

Ibinida ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na naging mapayapa ang unang araw ng pagbubukas ng klase kahapon sa mga paaralan sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, ikinatuwa ng pamunuan ng MPD ang naging kabuuang sitwasyon sa usapin ng peace and order sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante.

Ayon kay Margarejo, sa ginawang pagbabantay sa mahigit na 200 eskuwelahang pribado at pampubliko sa lungsod, walang nangyayaring anumang kaguluhan sa mga paaralan.

Paliwanag ni Margarejo, wala umano silang naitalang insidente ng karahasan hanggang maghapon sa araw ng balik-eskuwela dahil na rin sa pagtatalaga ng MPD ng 24/7 info desk sa lahat ng paaralan sa Maynila.

Malaki rin aniya ang naitulong sa pagpapanatili ng seguridad ng mga opisyal ng barangay, traffic enforcers, mga tanod at security guard ng mga paaralan.

Paalala ng MPD sa mga estudyante sa ikalawang araw ng pasukan, mag-ingat laban sa mga mandurukot at iba pang masasamang elemento ng lipunan.

Sakaling mayroon aniyang mapansin na kahina-hinalang kilos ay bukas ang hotline ng MPD na maaaring tawagan sa numerong 523-3378, Action Operation Center.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?