32

Mar 9, 2018 @ 12:20
By

MPD, pursigido sa kaso ni Atio Castillo

Itinuturing ng Manila police na pansamantala lamang ang pagkatalo sa desisyon ng Department of (DOJ) kaugnay sa Atio killing na nagpapawalang-sala sa ilang personalidad na inakusahan sa krimen.

Ayon kay Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), itutuloy ng pulisya ang pagsusulong ng kaso laban sa respondents sa krimen hanggang sa matamo ang hustisya.

“Although some personalities were not included in the information, it is just only temporary setback on our side but we will assure the family of Atio that we will continue to pursue this case till the end in the interest of justice,” ani Margarejo.

Sa kabila nito, ikinagalak ng MPD ang resolusyon ng DOJ na nagrerekomenda ng kasong kriminal o murder laban sa mga miyembro ng Aegis Juris na pinaniniwalaang nasa likod ng pagkakapaslang kay Castillo.

Si Castillo ay natagpuang patay ng kanyang mga magulang sa morge ng Chinese General Hospital noong buwan ng Setyembre 2017 na ang katawan ay kulay talong na dulot ng matinding hazing o pagpapahirap.

Kabilang sa mga pinakakasuhan ng DOJ dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law ay sina Arvin Balag, Ralph Trangia, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Axel Munrio Hipe, Marcelino Bagtang, Jose Miguel Salamat at Robin Ramos.

Kasong perjury at obstruction of justice ang pinasasampa laban kay John Paul Solano .

Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban kina UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina at Faculty Secretary Arthur Capili dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Absuwelto si Mark Anthony Ventura dahil siya ay nasa ilalim ng Witness Protection, Security and Benefits Program ng DOJ.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?