60

Oct 27, 2017 @ 13:23

MPD handa na sa Undas 2017

Tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District na mahigpit nilang babantayan ang  libu-libong katao na dadagsa sa Manila North Cemetery.

Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, preparado na sila sa pagdalaw ng ilang kilalang personalidad kabilang dito si Dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-arroyo na inaasahang dadalaw sa mausoleo ng pamilyang Tuazon-Arroyo, ang pamilya  ni dating Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo, kung saan nakalibing din ang kanyang kapatid na si dating Congressman Iggy Arroyo.

Nasa Manila North Cemetery rin ang libingan ng mga dating Pangulong sina Ramon Magsaysay at Manuel Roxas at ng Hari ng Pelikulang Filipino na si Ronald Allan Kelly Poe o Fernando Poe Jr.  na ama ni Senador Grace Poe.

Bukod rito, nasa MNC rin ang Musuleo De Los Veteranos De Revolucion o Veterans of the Revolution, ang mga rebolusyunaryong lumaban sa mga Kastila; at ang musuleo sa  delagasyon ng Pilipinas  sa 11th Boy Scout Jamboree na namatay nang bumagsak ang sinasakyan nilang United Arad Airlines Flight 869 noong July 28, 1963 habang patungo sila sa Greece.

Dalawang milyong tao ang inaasahang dadalaw ngayong Undas sa Manila North Cemetery. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?