42

Oct 23, 2017 @ 11:36

MPD: Crime rate sa Maynila, bumaba

Ipinagmalaki ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na bumaba ng mahigit na 38 porsiyento ang street crimes sa lungsod ng Maynila ngayong taon.

Sa report ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel,  bumaba ng 38.7% ang crime index sa lungsod sa nakaraang 12 buwan, o  mula 5,474 kaso noong 2016 nasa 3,393 na insidente  na lamang ngayong  2017.  Kabilang sa mga krimeng ito ay street crimes tulad ng armed robbery, holdap at snatching.

Sinabi rin ni Coronel, na tumaas ang crime solution efficiency ng MPD o pagresolba ng pulisya sa mga krimen na mula 58.8% noong 2016 sa 67.5% ngayong taon.

Ibig sabihin aniya, anim hanggang pito sa bawat 10 kaso ng krimen ang matagumpay na nareresolba ng MPD.

Sa record, mula 2014 hanggang 2015 ay 38.05% ang crime solution efficiency ng MPD at 24.55% lang mula 2013 hanggang 2014.

Una nang inilabas ng Safest Cities Index 2017 ng Economist Intelligence Unit, ang research arm ng London-based multimedia company na The Economist Group, na pang-55 ang Maynila sa 60 lungsod na pinag-aralan sa naturang report.

Ngunit pinalagan ito ng MPD dahil sa hindi umano tumpak o accurate ang data ng nasabing foreign research group. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?