107

Oct 25, 2018 @ 17:52
By

MPBL: Vosotros, Caloocan nakadalawang sunod

Angat ang laro ni Almond Vosotros, muling umalagwa para sa Caloocan Supremos tungo sa 74-69 pagdaig sa Imus Bandera, Miyerkoles ng gabi, sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup sa Imus Sports Complex.

Pumoste ng 21 puntos si Vosotros para pagbidahan ang two-game win streak ng Caloocan, na bahagyang umangat sa 4-8 win-loss record sa Northern Division.

Ito naman ang unang pagkatalo ng Bandera sa sarili nilang balwarte at ngayon ay bagsak sa 5-6 kartada sa Southern Division.

Sa unang laro, balik sa tamang posisyon ang Valenzuela Idol ng mapabagsak nito ang Pampanga Lanterns, 90-82, sa ilalim ng bagong coach na si Eric Samson.

Dating pinangunahan ni Samson ang Parañaque Patriots hanggang sa lumipat ito sa Idols noong nakaraang buwan bilang assistant coach ni Chris Gavina, pero bumaba si Gavina matapos ang sunod-sunod na pagkatalo ng koponan kaya si Samson ang tinalagang bagong coach ng Valenzuela.

Limang manlalaro mula sa Valenzuela ang tumapos ng double-digits sa pangunguna ni Paolo Hubalde na pumoste ng career-high 25 points at 10 rebounds habang sina Kido Cabrera at Chris de Chavez ay may tig-11 puntos at tig-10 puntos naman ang ambag nina Floyd Dedicatoria at Ford Ruaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?