161

Nov 28, 2018 @ 15:17
By

MPBL: Viernes, Acuña nagsanib sa Athletics

Nagpaulan ng tres ang inaugural champions Batangas City Athletics sa loob ng Batangas City Coliseum.

Hindi pinahiya ng Athletics ang kanilang tagahanga nang magsalpak ng 16 na tres patungo sa 104-93 panalo kontra Zamboanga Valientes sa MPBL Datu Cup Martes ng gabi.

Nagliyab ang mga kamay ni Jeff Viernes para sa Batangas sa tinapos na 26 puntos, sa likod ng apat na tres.

Bumakas naman ng 19 puntos ang nagbabalik liga na si Val Acuña para tulungan ang tropa na patatagin ang kapit sa ikatlong pwesto sa Southern Division bitbit ang 10-6 na karta.

Nag-ambag din para sa tropa si Teytey Teodoro ng 12 puntos habang 10 puntos naman ang kay Adrian Santos.

Natikman ng Valientes ang ikasiyam nitong pagkatalo sa 15 asignatura at nanatili ito sa ikasiyam na pwesto.

Sa unang laro, nagpapatuloy ang pag-angat ng Bataan Risers nang pirmahan nito ang ika-13 nitong sunod na panalo sa 94-81 panalo kontra Caloocan Supremos.

Lalong tumatag ang kapit ng Risers sa unang pwesto sa Northern Division tangan ang 13-1 baraha habang ito naman ang ika-11 talo ng Supremos sa 15 laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?