528

Nov 30, 2018 @ 16:16
By ,

MPBL: Stars matatag kay Bitoon

Nagpapatuloy ang Manila Stars sa pag-ariba patungong itaas sa Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup.

Nagsimulang malamya ang bata ni coach Philip Cezar pero agad itong uminit at umalagwa sa fourth canto para masungkit ang 79-67 na panalo kontra Basilan Steel Huwebes ng gabi sa San Andres Sports Complex.

Patatag nang patatag ang kapit ng Stars sa ikatlong pwesto ng Northern Division hawak ang 13-3 win-loss record.

“Siyempre masaya, ‘di ba? Mahirap yung dalawang magkasunod na talo, hindi pa nangyari sa amin laging talo kaming isa tapos makaka-consecutive na naman na panalo. Mahirap saka parang hindi tama,” wika coach Cezar.

Nangningning nang husto para sa Stars si Chris Bitoon na rumehistro ng 26 na puntos, walong rebounds at pitong assists habang umayuda naman sa tropa si Reil Cervantes na may 18 puntos at anim na rebounds.

Gitgitan at dikit ang laro ng dalawang tropa na mas lalo pang nag-init pagdating ng third canto dahil na rin sa mga maling pito ng referee sa parehong tropa

“Minsan kasi ‘yung mga players nadadala ng mga non-calls sasabihin ng mga referee hindi nila nakita, titignan nila, mahirap yun. Minsan babawi sila mali, di ba? Hindi ganun,” dagdag nito.

Sa tatlong quarter ng laro, halos dikit ang iskor ng dalawa pero pagpasok ng fourth canto, doon na nagsimulang umusok ang Stars at sinunod-sunod nito ang pagpuntos kontra sa kalaban.

Pumoste ng 10 puntos si Dennis Daa para sa Basilan na patuloy nangungulelat sa Southern Division tangan ang 4-11 na baraha.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?