178

Sep 27, 2018 @ 18:27
By ,

MPBL: Manila Stars muling kumislap, pinadapa ang Mandaluyong El Tigre

Iginapos ng Manila Stars ang Mandaluyong El Tigre, 92-73, sa Datu Cup ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), Miyerkoles ng gabi (Setyembre 26) sa San Andres Gymnasium sa Maynila.

Angat sa 8-2 kartada sa Northern Division ang Manila kasosyo ang Bataan Risers at San Juan Knights. Nalasap naman ng El Tigre ang ikalawang sunod pagsadsad sa 6-3 marka.

Nagpasabog ng 13-0 run ang Stars sa third canto para kontrolin ang laro at hindi na lumingon pa.

Ayon kay Stars head coach Philip Cezar, masaya siya sa kanilang comeback win matapos ang mapait nitong pagkatalo kontra Laguna sa huli nitong laro.

“Siyempre, sanay naman tayong matalo, sanay tayong manalo. Siyempre kapag panalo ka masaya ka,” saad ni Cezar sa Abante Online.

Mapapansin din na sa unang quarter pa lang ay agad humataw ang Stars na talaga namang nagpasaya sa mga tagahanga nito.

“‘Yung usual namin kasi, ‘pag binigyan mo sa mga first five minutes ‘yan talagang maganda ang kalalabasan ng game,” dagdag nito.

Sunod na makakaharap ng Stars ang Muntinlupa Cagers na ngayon ay bitbit ang 7-0 na baraha sa Southern Division.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?