288
mpbl
Apr 25, 2018 @ 18:56
By

MPBL Kume Duremdes: Dumarami na kami!

Bente (20) na sila.
Martes ng gabi ay opisyal nang tinanggap ng pamunuan ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang aplikasyon ng tatlo pang expansion teams – Marikina, Mandaluyong at Pasay – para umabot sa 20 koponan ang kasalukuyang kalahok sa prestihiyosong regional cagefest.

Ayon kay MPBL commissioner Kenneth Duremdes, sarado na ang expansion ng mga koponan mula sa Luzon subalit bukas na ang pintuan ng liga para sa mga koponang mula sa Visayas at Mindanao. Magkakaroon ng pagpupulong bukas, Biyernes sa Waterfront Hotel sa Cebu kaugnay nito.

Apat na koponan – tigalawa mula Cebu at Davao – ang nagpahayag na ng interes na lumahok sa torneo. Dadalo sa nasabing pulong ang Davao Occidental, Davao City, Lapu-Lapu City at Cebu City.

Nitong nagdaang linggo, nagpahayag din ng interes ang Marikina, sa pamamagitan ni head coach Elvis Tolentino, dating coach ng Navotas, na bubuo ng koponan mula sa “Shoe Capital of the Philippines.” Ang Pasay naman ay gagamitin ang Cuneta Astrodome, isang government-owned facility, bilang homecourt ng kanilang basketball team.

Ang Mandaluyong, lalahok sa torneo pero wala pa silang magiging home games dahil wala pa silang sariling playing venue.
Magbubukas ang bagong MPBL conference sa Hunyo 12.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?