413

Nov 1, 2018 @ 16:27
By

MPBL: ex-PBA player Hernandez bayani ng Pampanga

Inalpasan ng Pampanga Lanterns ang Navotas Clutch, 89-88, Miyerkoles ng gabi sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup sa Alonte Sports Arena sa Binan City, Laguna.

Naging tanggulan ng Lanterns si Michael Juico na kumana ng 25 puntos, anim na rebounds at tatlong assists, pero ang naging bayani ng Lanterns ay si dating PBA player Levi Hernandez.

Isang magandang laro ang pinakita ni Hernandez na nagpababa sa limang puntos na kalamangan ng Clutch sa tulong ng kanyang tres, 88-86, sa huling 20 segundo ng laro.

May pagkakataon sana ang Navotas ang muling maiangat ang kalamangan nila pero napituhan ng backing violation si Kris Porter nang bigo nitong makontrol ang bola sa inbound play.

Naipasok ni dating NLEX player Juneric Baloria ang dalawang free throw para maitabla ang laro sa 88 habang patuloy ang pag-commit ng turnover ni Ron Dennison.

Na-foul si Hernandez ni Dennison pero isang free-throw lamang ang naipasok nito para makalamang sa laro, 89-88.

Nasayang ang pagkakataon ng Clutch na maiuuwi ang panalo dahil na rin sa kabiguan nina Jimbo Aquino at Jai Reyes na maipasok ang kanilang free throws.

Sa pagkakapanalo ng Lanterns, tangan na nila ngayon ang 5-9 na kartada sa Northern Division habang ang Clutch naman ay bitbit ang 5-7 na baraha sa parehong division.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?