193

Oct 4, 2018 @ 17:55
By

MPBL Datu Cup: Banal naglagablab sa Bacoor Strikers

Nag-apoy sa opensa si Gab Banal para bitbitin ang Bacoor Strikers sa ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 81-75 triumph kontra Navotas Clutch Miyerkoles ng gabi sa MPBL Datu Cup sa Strike Gymnasium sa Bacoor, Cavite.

Bumulusok si Banal ng double-double, 30 points at 10 rebounds, para ibigay sa Strikers ang ikaanim na panalo sa 10 laro upang makisosyo sa Laguna Krah Heroes sa ikatlong pwesto sa team standings sa Southern Division.

Bitbit naman ng Clutch ang 4-6 win-loss records kaakibat ang back-to-back losses.

Nagsimula ang kampanya ng Navotas sa 2-0 record pero nahirapan na sila nang mawala ang big man na si Rey Publico dahil sa knee injury.

Isa si Banal sa top scorer ng liga na pumoposte ng 20 points per game at mas naging magaling pa ito pagbalik matapos katawanin ang Pilipinas sa dalawang international tournaments.

Sa unang laro, nasungkit ng Parañaque Patriots ang ikalawang sunod na panalo nang lampasuhin ang Pasig Pirates, 87-69.

Haging sa triple-double ang dating PBA player na si Harold Arboleda sa isinumiteng 23 puntos, 13 rebounds at siyam na assists para matulungan ang kanyang tropa na masikwat ang ikaanim na panalo sa 11 laro.

Naging malaking ambag din sa Patriots si Robin Roño na tumapos ng 22 puntos.

Patuloy naman ang paglubog ng Pirates na bitbit ngayon ang 1-9 na baraha, nasa pinakailalim ng standings sa buong liga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?