426

Apr 2, 2019 @ 16:14
By ,

MPBL: Cervantes kinarga ang Stars sa North finals

Martsa sa Northern Division finals ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup ang Manila Stars matapos itarak ang 56-51 panalo kontra number one seed Bataan Risers sa Game 3 ng North Division semis Lunes ng gabi sa People’s Center sa Balanga, Bataan.

Kinarga ni Riel Cervantes ang Stars lalo na sa payoff period kung saan nirehistro nito ang magkasunod na tres para iposte ang 14-3 run para sa 54-47 na kalamangan hanggang sa muling tumirada sa huling 25 segundo at tuluyan ng nakawin ang panalo.

Tumapos ng 20 puntos si Cervantes na may sahod na limang rebounds at tig-isang assist at steal para sa Stars, na makakaharap ang San Juan Knights sa Game One ng Northern Division Finals simula ngayong Miyerkoles ng gabi sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Bumandera naman para sa Risers ni coach Jojo Lastimosa si Byron Villarias na may 12 puntos, siyam na boards, tatlong dimes at isang steal.

Bigo man na makalusot sa Division Finals ang Risers, isa parin ang tropa na may pinakamagandang win-loss record sa pagtatapos ng eliminations.

Ang huling spot naman para sa Southern Division Finals ay paglalabanan ng Zamboanga at Batangas sa Game Three ng south semis ngayong Martes sa Batangas Sports Center.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?