116

Dec 14, 2018 @ 16:57
By

MPBL: Avenido magmimilagro sa Pasig

Hindi pa susuko ang Pasig Pirates sa kanilang kampanya sa Datu Cup ng Maharlika Pilipinas Basketball League.

Bagama’t nangungulelat ngayon sa standings ang Pirates hawak ang 2-13 na baraha, nanatiling matibay ang loob ng Pirates lalo na’t may bagong dagdag sa kanilang line-up.

Tinapik ng Pasig si veteran guard Leo Avenido, na dating naglaro sa Zamboanga Valientes, para ibigay ang serbisyo nito sa nagkukumahog na Pirates.

Pinayagan ng MPBL Commissioner’s Office ang paglipat ni Avenido at sa pagsapi niya sa tropa muli niyang makakasama ang mga dating PBA player na sina Mark Andaya, Boyet Bautista at Jon Aldave.

Si Avenido ang bagong dagdag sa mga beteranong manlalaro na tumalon sa ibang tropa.

Noong Miyerkoles ng gabi, nagsimula ng magbalasa ng line-up ang Zamboanga ng kunin nito ang tatlong manlalaro mula Paranaque na sina Harold Arboleda, Ivan Villanueca at Robin Rono.

Kinuha rin ng Zamboanga ang serbisyo nina Jonatha Belorio ng Basilan Steel at Joseph Nalos mula naman sa Caloocan Supremos.

Ilang manlalaro rin ng Paranaque ang lumipat ng team gaya ni Ryusei Koga na maglalaro na sa Pampanga Lanterns at Mac Montilla na magiging bahagi na ng Davao Occidental Tigers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?