125

Jun 22, 2019 @ 21:54
By ,

MPBL: Arboleda bumida sa Zamboanga

Umuusok ang Zamboanga Family Sardines nang padapain ang Pasig Sta. Lucia 82-69 sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup Sabado ng gabi sa Muntinlupa Sports Complex.

Umararo para sa Zamboanga si Harold Arboleda na pinoste ang kanyang double-double finish, 11 points at 16 rebounds, habang umalalay naman ng 16 markers at siyam na boards si Med Salim.

Naramdaman din ang presensya nina Robin Rono at Allan Santos na sumahog ng 15 puntos at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Simula palang ay kita na ang dominasyon sa hanay ng Zamboanga nang irehistro nito ang 47-37 abante sa pagtatapos ng first half at palobohin pa sa 16 ang bentahe 64-48 sa 2:41 ng third.

Mas naging agresibo ang Zamboanga pagpasok ng payoff period at naramdaman na ang angas ni Salim na nagpatihimik sa opensa ng bagong bihis na Pasig hanggang sa itarak na nito ang unang panalo sa liga.

Dinomina rin ng Zamboanga ang three-point area nang itala nito ang 36 shooting percentage (11-of-36) kumpara sa 20 percent na tinala ng Pasig (5-of-24).

Nanguna para sa Pasig si dating pro-player na si Jeric Teng na may 17 puntos at walong rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?