157
teytey-teodoro-mpbl
Sep 21, 2018 @ 20:31
By

MPBL: 4 na tres ni Teytey, umalagwa para sa Batangas

Hindi pinayagan ng Batangas City Athletics na mapahiya sila sa sariling teritoryo nang lampasuhin ang Caloocan Supremos, 81-69, sa MPBL Datu Cup Huwebes ng gabi (September 20) sa Batangas City Coliseum.

Bumulusok ng 21-4 rally ang Athletics sa fourth canto upang tuluyang iselyo ang ikaapat na panalo sa siyam na asignatura.

Ikaanim na dikit, sa kabuuang pito, ang talo ng Supremos kontra dalawang panalo lamang.

Naging alas ng Batangas si Teytey Teodoro na pumoste ng 23 puntos sa likod ng apat na tres.

Depensa ang isa sa mga susi ng tropa para manalo dahil naipuwersa nila ang 15 turnovers sa Supremos at kumubra ng 17 puntos ang Batangas sa pagkakamali nito.

Sa unang laro naman, sinurpresa ng Rizal Crusaders ang Marikina Shoemasters ng nagtrabaho ito nang husto sa depensa para makasikwat ng panalo, 75-69.

Ito pa lang ang ikatlong panalo ng Rizal sa sampung laro nito at ito naman ang ikalimang talo ng Shoesmasters sa loob ng siyam na laro.

Nanguna sa Rizal si Marco Balagtas na may 19 na puntos at 10 rebounds at may tig-11 puntos naman sina Eric dela Cuesta at Marvin Mercado.

Bagama’t natalo ang tropa, ito naman ang isa sa pinakamagandang performance ni Erwin Sta. Maria na may 24 puntos at si JR Ng-Sang na may double-double finish, 11 puntos at 20 rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?