116

Dec 22, 2017 @ 19:00
By

Motorsiklo ng empleyado, ninakaw sa mall

Nanakaw ang isa na namang motorsiklong iniwan lang saglit ng may-ari nito sa loob pa mismo ng parking lot ng isang mall sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO1 Junar Adario, ng Malabon City Police, ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang mapag-alaman ng biktimang si Jose Escobilla, 25-anyos, binata, product specialist ng Vivo android phone branch sa Robinson’s Town Mall sa Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod at residente ng Barangay Balangkas, Valenzuela City, na nawawala na pala ang kanyang Yamaha Mio Sporty 2017 Model na kulay white at gray at for registration ang plaka.

Sandali lang umanong iniwan ng biktima ang kanyang sasakyan at may kinuha lang sa kanyang pinagtatrabahuhan, nang pagbalik niya ay wala na ang kanyang motor.

Ipinagbigay-alam niya sa security ng mall ang pangyayari na mabilis na humingi ng saklolo sa pulisya ngunit bigo silang maabutan ang tumangay nito.

Paalala naman ng mga awtoridad, siguraduhing ligtas ang pagpaparkingan ng mga sasakyan lalo na ngayon at napakadaming gimik ang mga masasamang-loob. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?