1,936

Jul 17, 2021 @ 15:11
By

Motoristang nagwala matapos sitahin sa parking pinalaya

Ipinag-utos ng Muntinlupa Prosecutor ang pagpapalaya kay Franz Luke Orbos, ang motoristang inaresto matapos pagmumurahin ang mga traffic enforcer at pulis na sumita sa kanya matapos magparada ng sasakyan kamakailan sa nabanggit na lungsod.

Kinasuhan na si Orbos ng alarm and scandal, resistance to a person in authority at direct assault sa Muntinlupa Prosecutor’s Office ng dalawang pulis Muntinlupa at dalawang miyembro ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB).

Ayon sa Southern Police District, nangyari ang insidente ng alas-6:26 ng gabi noong July 14 sa Susana Heights Road nang iparada ni Orbos ang kanyang sasakyan sa kalsada dahilan upang bumigat ang daloy ng trapiko sa lugar.

Nakiusap sa kanya ang mga tauhan ng MTMB na itabi ang kanyang sasakyan ngunit imbes makinig ay pinagmumura nito ang mga awtoridad, na nag-viral ang video sa social media.

“Hindi n’yo ba ko kilala? Put*ng i*a… hindi n’yo kilala sinong tatay ko?!” maririnig na sabi ni Orbos sa viral video.

“Tingin n’yo takot ako sa inyo, mga g*go kayo,” dagdag niya.

Kalaunan ay pinosasan na siya matapos sabihang “babanatan” niya ang mga awtoridad.

Sa isang resolusyon, inutos ng Muntinlupa Prosecutor ang pagpapakawala kay Orbos dahil may pangangailangan pa umanong magsagawa ng karagdagang pagsisiyasat.

Inirekomenda nito ang preliminary investigation sa kaso kung saan inatasan si Orbos na magbigay ng kanyang counter-affidavit at affidavit ng kanilang mga witness.

Itinakda ang preliminary investigation ng July 30 sa Muntinlupa Prosecutor’s Office.

“The respondent is hereby warned that failure on his part to comply with this directive shall be considered a waiver of his right to submit his defense and the case shall be resolved on the basis of the evidence at hand. Let this resolution serves as subpoena for the preliminary investigation. Arresting Officers are directed to release Franz Luke Orbos y Sioson, unless detained for some other lawful cause/s,” saad sa resolusyon. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?