280

Nov 3, 2017 @ 14:55

Motorista, wala nang ‘excuse’ sa placard traffic signs ng MMDA

Hindi na puwedeng magdahilan ang mga motorista na hindi nakita ang mga traffic sign gaya ng No U-turn at No Left Turn.

Ayon kay Celine Piolago, tagapagsalita ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ilalapit ng traffic enforcers ang traffic signs sa mga motorista sa pamamagitan ng mga placard.

Gagawin umanong malaki ang placard para kitang-kita ng mga motorista.

Kapag sumuway ang motorista, wala na umanong dahilan para hindi sila tiketan ng traffic enforcers.

“Kung makikita n’yo ho, pag hawak ng enforcers ‘yung placard, direkta na ho na lalapitan nila ‘yung mga bus driver para maipaalala na hindi tama ang ginagawa nila,” ayon kay Piolago.

“Kadalasan kasi ang driver sinasabi hindi namin alam, hindi namin nakita, ngayon lang ang batas na ‘to. Ang dami nilang excuses. Kapag hawak ng enforcers natin ‘yung placard to remind them pero nagpasaway pa rin, enough po para tiketan sila,” dagdag pa nito.

Una itong susubukan sa Cubao, Ortigas, Pasay City, Makati City, Marcos Highway at C-5 Road.

Gagawin umanong permanente ang pagpapabitbit ng placard sa traffic enforcer kapag naging epektibo.

Magkakaiba naman ang opinyon ng mga traffic enforcer at motorista.

“Para naman kaming round girl sa boxing ring. Lakihan na lang nila ang traffic signs sa mga kanto,” ayon sa isang traffic enforcer na ayaw pabanggit ng pangalan.

“Okay na rin ‘yan kasi hindi naman palaging mapapansin ng motorista ang traffic signs,” ayon kay Boboy Bal, taxi driver na madalas dumadaan sa Cubao. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?