201

Nov 21, 2017 @ 16:00
By

Motor sumalpok sa trak, rider todas

Pisak ang isang motorcycle rider habang sugatan ang angkas nito nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa kasabay na truck sa Katipunan Avenue, Old Balara, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si James Francis Aragan, 27-anyos, habang sugatan at patuloy pang ginagamot sa nasabing ospital ang angkas nito na si Joshua Maria Cinco, nasa hustong gulang.

Sa inisyal na report ni PO3 Edwin Martela, ng Quezon City Police District-Traffic Bureau, ang aksidente ay naganap dakong ala-una ng madaling-araw sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa lungsod.

Ayon sa ilang testigo, tila naghahabulan ang motorsiklo na minamaneho ng biktima at ang truck na may plakang AAB-4325 na minamaheno naman ni Roel Almecion nang maganap ang aksidente.

Sinasabing bumangga sa likurang bahagi ng truck ang motorsiklo kaya sumirko ito at tumilapon ang dalawang biktima na nagresulta ng pagkamatay ni Aragan habang sugatan naman si Cinco.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad si Almecion at nagpahayag na hindi niya kasalanan ang pagbangga sa likuran ng kanyang minamanehong truck ang motor ng biktima.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Traffick Bureau ng Quezon City kung sino talaga ang may kasalanan sa aksidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?