165

Jan 2, 2018 @ 16:19
By

Motor sumalpok sa poste, angkas tepok

Patay ang angkas habang malubhang nasugatan ang motor rider makaraang bumangga ang kanilang sinasakyan sa poste ng Meralco sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Ang namatay ay nakilalang si Lluven Ballasteros, 24-anyos, habang sugatan naman ang driver ng motorsiklo na si Cedric John Recson, 21, kapwa residente ng Quintos St., Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO1 Wagner Alquisio ng Quezon City Traffic Sector 4, ang aksidente ay naganap dakong alas-4:40 ng madaling-araw sa N. Domingo St., Bgry. Kaunlaran, Cubao, Quezon City.

Ayon sa report, mabilis ang takbo ng sinasakyang motorsiklo ng dalawa at habang binabagtas ang kahabaan ng N. Domingo ay nawalan ito ng kontrol at sumampa sa gutter at sumalpok sa poste ng Meralco.

Sa tindi ng pagkakabangga ay tumilapon ang dalawa at bumagsak una ang ulo sa kalsada.

Nagawa pang maisugod sa East Avenue Medical Center Hospital ang dalawa pero nalagutan ng hininga si Ballasteros dahil sa matinding pinsala sa kanyang ulo dahil walang suot na helmet noong maganap ang aksidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nakainom ng alak ang dalawa noong maganap ang aksidente. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?