85
motor-accident
Nov 2, 2019 @ 15:13
By

Motor sumalpok sa dyip na patungong sementeryo, 3 patay

Patay ang tatlong sakay ng motorsiklo matapos na sumalpok ito sa kasalubong na dyip lulan ang dalawang pamilya na patungo sana sa sementeryo upang dumalaw sa namayapang mga kaanak, Sabado ng madaling-araw sa Bago City, Negros Occidental.

Kinilala ang isa sa nasawing biktima na si Arnold Villeran, drayber ng motorsiklo, residente ng Barangay Bantayan, Bago City, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong pasahero sa nasawi din sa pangyayari.

Samantala 13 katao na lulan ng nakabanggaang dyip ang bahagyang nasugatan kabilang ang drayber na nakilalang si Christopher Pantaleon.

Sa inisyal na ulat ng Bago City PNP, pasado alas-4:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Purok Gumamela, Barangay Calumangan ng nasabing lungsod.

Lulan ng isang dyip ang pamilya Pantaleon at Novero galing ng Bacolod City at patungo sana ng Himamaylan City, Negros Occidental ang mga ito upang bumisita sa mga namayapang mahal sa buhay subalit pagsapit sa nabatid na lugar ay nakasalubong ng mga ito ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima na dahilan ng banggaan ng dalawang sasakyan.

Sa lakas ng bangga ay tumilapon ng ilang metro ang mga sakay ng motorsiklo na agad nilang kinamatay habang bumangga pa sa puno sa tabing kalsada ang dyip na sinasakyan ng dalawang pamilya subalit suwerteng pawang mga minor injury lang ang tinamo ng 13 sa mga sakay nito.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-overtake ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima na walang helmet sa kasunod na sasakyan at hindi umano napansin ang papasalubong na dyip dahilan ng salpukan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?