72

Dec 21, 2017 @ 16:57
By

Motor kinarnap sa loob ng 2-minuto

Inabot lang ng dalawang minuto at matagumpay na nanakaw ng dalawang lalaki ang isang motorsiklong pagmamay-ari ng isang Indian national na pinarada lang saglit upang mangolekta ng kanyang pautang sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PSInps. Johanes Moneda ng Malabon City Police, alas-kuwatro umano ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Cobre Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.

Naningil ng kanyang pautang ang biktimang si Nirmal Kumar Machindernath Gora, 52-anyos, shareholder ng Saab Sarpanch Lending Investor Corp. at residente D. Paz Street.

Ipinarada umano niya saglit ang kanyang motor na Honda Beat sa gilid ng kalsada sa nasabing lugar at pagkatapos niyang maningil ay agad din siyang bumalik sa kanyang pinaradahan ngunit nagulat siya nang makita ang dalawang lalaki na sakay na ng kanyang motorsiklo.

Hinabol niya ang mga ito ngunit hindi na niya naabutan.

Samantala, bukod sa natangay na motorsiklo ay kasama ring nanakaw ang pera ng biktimang nagkakahalaga ng P3,000 at iba pang kagamitan na nakalagay sa compartment at box sa likuran ng kanyang motorsiklo.

Patuloy pa ring tinutugis ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?