23

By

Motion for leave ni Abalos, tablado sa Sandiganbayan

Sharing is caring!

Ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division ang hirit na motion for leave ni dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos Sr. kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mga sasakyan noong 2003.

Pero ayon sa anti-graft court, puwede pa ring maghain si Abalos ng demurrer, o mosyon na humihiling ng outright dismissal ng kaso dahil sa mahinang ebidensiya.

Gayunman, maaari umanong mawalan ng tsansa si Abalos na makapag-prisinta ng rebuttal sakaling mabasura ang mosyon.

“He shall waive his right to present evidence and is submitting this case for judgment on the basis of the evidence adduced by the prosecution,” sabi ng Sandiganbayan.

Inakusahan ang dating Comelec chairman ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang apruahan ang pagbili ng dalawang units ng Toyota Revo VX200 na nagkakahalaga ng P1.7 million nang walang public bidding.

Itinanggi nito na pinaboran niya ang Toyota Pasong Tamo Incorporated sa transaksiyon at sa katunayan na wala anyang audit observation memorandum ang Commission on Audit na kumukuwestiyon dito.

Iginiit naman ng prosekusyon na sapat ang iprinisinta nilang ebidensiya laban kay Abalos.

Kinatigan ng Sandiganbayan ang prosekusyon at sinabing sapat ang ebidensiya para idiin si Abalos.

“After a careful study of the documentary and testimonial evidence submitted by the prosecution, the Court finds that, if unrebutted, the same is sufficient to support a verdict of guilt for violation of Section 3(e), Republic Act No. 3019,” ayon sa Sandiganbayan.

Inatasan ng korte si Abalos na abisuhan ang korte sa loob ng 5 araw matapos matanggap ang resolusyon kung nais pa rin nitong maghain ng demurrer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?