25

Jun 14, 2020 @ 17:28
By

Mortality rate ng COVID-19, bumaba -DOH

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na bumaba na ang mortality rate ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong Hunyo.

Sa kabila umano ito ng pagtaas ng bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 na inirereport nila nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagtaas ng inire-report nilang nasawi sa COVID-19 nitong Hunyo ay dahil sa delay o pagkaantala ng pagsusumite sa kanila ng validated mortality cases mula sa mga lokal na pamahalaan.

“Itong pagtaas ng bilang ng mga ni-report natin ay maaaring naging cause for concern ng ating mga kababayan, kaya naman ay nais naming humingi ng paumanhin kung kayo ay nabahala at kaya naman binibigyang linaw namin ngayon ang mga numerong ito,” ayon kay Vergeire.

Magugunita na nitong Hunyo 12, may iniulat na 16 na nasawi dahil sa virus ang DOH habang nitong Hunyo 13 naman ay 22.

Sinabi ni Vergeire na hindi lumalala ang sitwasyon ng sakit sa bansa.

Nilinaw ni Vergeire na sa 22 COVID death na kanilang ini-report noong Hunyo 13 ay apat lamang o 18% ang namatay sa buwan ng Hunyo.

Isa ay nasawi noong Hunyo 3, ang isa pa ay noong Hunyo 4, sumunod ay noong Hunyo 6 at noong Hunyo 9.

Samantalang ang 18 na iba pa ay nasawi bago pa ang buwan ng Hunyo pero nito lamang buwan naisumite sa DOH Epidemiology Bureau.

“Ang mga kaso natin ay hindi tumataas gaya nung Marso at Abril,” dagdag pa ni Vergeire.

Samantala, sinabi ni Vergeire na mas mabilis na rin ang reporting ng kaso ngayon na nasa pito hanggang walong araw na lamang kumpara noon na inaabot ng mahigit 20 araw.

Umapela naman si Vergeire sa publiko na sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng mask, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?