60

Jul 18, 2018 @ 19:58
By

Mood sa internet speed sa ‘Pinas, susukatin

NAKIPAGKASUNDO na ang Department of Information and Communications (DICT) sa isang pribadong kompaniya para pabilisin ang internet connection sa bansa.

Sa kasunduan nina DICT acting Sec. Eliseo Rio at Wilson Chua, ng Project BASS (Bandwidth Signal and Statistics), tutulungan ng huli ang kagawaran sa pagbalangkas ng mga programa at polisiya para mapaganda ang internet services ng mga telecommunications companies at internet service providers sa bansa.

Partikular na nakasaad sa kasunduan, na magkatuwang na imo-monitor ng dalawang partido ang internet speed, ang mga lokasyon ng cellsites at ang kalidad ng internet service.

Nabatid na gagamit ng mood meter, na maaring i-download ng mga IOS at Android users, para malaman ang mga sentimyento ng mga gumagamit ng internet ukol sa kalidad at bilis ng kanilang internet connection.

Ayon kay Rio sa pamamagitan ng kasunduan ay masusubaybayan din ang iaalok na serbisyo ng papasok na bagong telco player.

Sinabi naman ni Chua na sa pamamagitan ng metrics malalaman nila ang kalidad ng programa na inaalok ng mga service providers.

Paglilinaw naman agad nito na hindi sila mangongolekta ng mga personal na detalye ng mga internet users.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?