185
gun-
Oct 26, 2017 @ 15:01

Montessori student itinumba ng riding-in-tandem

Isa na namang teenager ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang riding-in tandem, habang ang biktima ay naglalakad pauwi sa kanilang tahanan  sa isang birthday party sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinalala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Kevin Reantaso, 16, grade 10 student ng Villager Montessori College at nakatira sa No.8 Benedict St., Paradise Village,  Brgy. Sangandaan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Dollente Jerome, nabatid na ang pagbaril at pagpatay sa biktima ay naganap dakong alas-7:45 ng gabi sa Gerald Avenue, corner Babuyan Alley, Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Ayon sa report, ang biktima, kasama ang kanyang kaibigan na si Lance Zalgado ay naglalakad papauwi galing sa birthday party ng kanilang common friend na si Amiel Airen Paz at hindi nila napansin na sinusundan sila ngriding-in tandem hanggang pagbabarilin ang biktima.

Kahit may tama ng ang biktima ay nagawa pa nitong makatakbo pero hinabol pa rin siya ng dalawang suspek na kapwa nakasuot ng helmet at nang abutan ay muli itong binaril hanggang duguang  bumulagta.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek, sakay ng kanilang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Ayon sa pamilya ni Reantaso, wala silang alam na kaaway ang biktima at hindi rin umano ito sangkot sa iligal na droga.

Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD ang dalawang slug ng kalibre 38 baril  sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Nagsasagawa pa ng masusing imbetigasyon ang pulisya para mabatid ang motibo ng krimen, makilala at madakip ang dalawang salarin ng estudyante. (Dolly B. Cabreza/Trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?